Posible ang power interruptions mula hapon hanggang gabi matapos itaas ang red at yellow alert status sa Visayas grid, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) nitong Huwebes, Setyembre 24.
Sa isang abiso, sinabi ng NGCP na ipatutupad ang red alert status mula alas-4 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi, habang yellow alert status mula alas-2 hanggang alas-4 ng hapon at alas-9 hanggang alas-10 ng gabi.
Ayon sa NGCP, mayroon lamang 2,292MW available capacity laban sa 2,495MW peak demand.
Kabilang sa mga dahilan ng red at yellow alert ang unavailability ng malalaking coal plant sa Visayas na TVI 1, PEDC 3 at KSPC 2.
Pansamantala ring hindi available ang power import mula Luzon matapos hilingin ang emergency shutdown ng Tabango-Kananga 230kV Line 2 upang maisagawa ang emergency repairs sa defective equipment. (AC)


