WebClick Tracer

Prosekusyon nananalangin ng 16 boto sa impeachment trial ni VP Sara

Bagama’t pinababa na ng Senate impeachment court ang voting threshold, nananalangin pa rin ang prosecution team na aabot sa 16 o higit pa ang boboto para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.

“Of course that is in the mindset of the prosecution already,” ani lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro nang tanungin kung umaasa ang mga ito na makakuha ang mga ito ng 16 o mas mataas pa na boto para ma-convict ang pangalawang pangulo.

Ipinaliwanag ng mambabatas na hindi nila isinasantabi pagkatapos ang botohan para sa conviction o acquittal sa impeachment case ay meron aniyang kukuwestiyon sa naging desisyon ng Impachment court na ibaba ang threshold.

Sa naging desisyon ng Impeachment court, ibabase ang 2/3 votes sa bilang ng mga senador na dumadalo sa impeachment trial na sa ngayon ay 20 na lamang dahil nagtatago si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa habang nakakulong naman sina Sens. Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta dahil sa plunder case.

Mula noong Agosto 2 ay hindi na rin dumadalo sa impeachment trial si Sen. Loren Legarda na nagpapagamot umano sa ibang bansa kaya pinalawig ng pinalawig ang kanyang medical leave.

Dahil dito, mula sa 16 na 2/3 ng 24 Senator, magiging 14 naman ang kailangang boto para ma-convict si Duterte habang 7 naman ang kailangang para ma-absuwelto ang pangalawang pangulo sa mga kinakaharap na kaso.

Subalit ayon kay Luistro, umaasa sila ng hindi lamang 14 ang boboto para sa conviction kundi 16 o higit pa upang hindi na kukuwestiyonin ng mga hindi natutuwa sa naging desisyon ng Impeachment court.

“I think the best way will be, sana ay kung magk-convict, sana maka16, so that issues on threshold will be moot and academic already. That is just my personal opinion, it does not bind the prosecution team,” ani Luistro.

“I bound by what she said. But again, hindi naman ko kami nandito para magbilang ng boto. We are not vote counters here,” ayon naman kay prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon.

“Kami po, ilalatag po namin yung ebidensiya tungkol po dito sa articles of impeachment ng vice president. Pero kung ano yung abutin po ang boto, if this is sufficient to convict, then we will abide by what the votes will be,” dagdag niya. (Bernard Taguinod)