Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tuloy-tuloy na implementasyon ng mga programa para sa pag-unlad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos ang matagumpay na parliamentary elections sa rehiyon.
Nakipagkita sa Pangulo si Interim Chief Minister at Bangsamoro Federal Party Chairman Abdulraof Macacua sa Malacañang kasama ang ilang opisyal ng BARMM.
Binati ng Pangulo ang opisyal sa matagumpay na halalan kung saan naitala sa kasaysayan ang mataas na resulta ng botohan na umabot ng 80% at napanatili ang kapayapaan sa katatapos na eleksiyon.
Ang matagumpay na halalan ay hudyat ng pagkakumpleto ng political track ng Bangsamoro peace process at transisyon tungo sa parliamentary government.
Sinabi ng Pangulo na magpapatuloy ang paghahatid ng mga mahahalagang serbisyo sa mga mamamayan ng BARMM.
Tinalakay din sa pulong ang pagpapatuloy ng mga hakbang sa peace process upang mapanatili ang natamong kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon. (Aileen Taliping)


