WebClick Tracer

Pangilinan sa DOJ, NBI: Pakitang gilas kayo, sampolan ang mga bilyonaryong ‘untouchable’ na smuggler

Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na sampolan ang aniya’y mga untouchable na smuggler na sumisira sa food security ng bansa.

Sa pagdinig ng panukalang 2027 budget ng Department of Justice (DOJ), hinamon ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian, ang ahensiya kasama na ang National Bureau of Investigation (NBI) na patunayan sa taumbayan na hindi untouchable ang mga bilyong nasa likod ng talamak na smuggling ng produktong agrikultura sa bansa.

“I am challenging you, these people are untouchable up to this point. We are talking of billions of pesos worth of smuggled goods being brought to our country, whose quality is questionable, whose safety standards are obviously unclear.

“These are untouchable people. Prove to us, show us that they are not untouchable. Pakita n’yo sa amin na itong mga bilyonaryong nag-iismuggle ng bilyon-bilyong halaga ng produktong agrikultura… patunayan n’yo sa amin, pakitang gilas kayo na hindi sila untouchable,” dagdag pa niya.

Sabi ni Pangilinan, ang mga magsasaka, mangingisda gayundin ang mga konsyumer ang naapektuhan ng pagpasok sa bansa ng mga smuggled na produkto.

“Kawawa ang ating mga magsasaka, mga mangingisda, ang ating consumers na lahat ay nag dumadaing dahil hindi na natin ma-afford ang murang pagkain dahil hindi na makatanim ng maayos ang ating mga magsasaka dahil itong mga smuggled na mga produkto ang pumapasok sa atin,” ani Pangilinan.

“Nilalason tayo, winawasak ang ating food security,” dagdag pa niya.

Tugon naman ni Justice Secretary Fredderick Vida: “Isa lang po ang pinanghahawakan natin, rule of law. No one should be above the law.”

Ginawa ni Pangilinan ang hamon matapos banggin na 90 sa 100 kaso ng smuggling ang naibasura ng korte dahil nabigo ang Bureau of Customs na magbigay ng certified true copies ng mga dokumento.

Sabi ni Vida, inoobliga ng DOJ ngayon ang BOC at maging ang Bureau of Internal Revenue na muling isumite ang mga dokumento at ituloy ang kaso laban sa mga indibidwal na responsable sa smuggling.

Sinabi naman ni Matibag, na mayroong traipartite agreement ang NBI at BOC para mapalakas ang case build up para sa mga kaso ng smuggling. (Dindo Matining)