WebClick Tracer

PAGASA: ‘Very strong’ El Niño inaasahang tatagal hanggang 2027

Grafiko ng PAGASA na nagpapakita ng babala sa very strong El Niño at mga apektadong sektor sa bansa.

Nagbabala ang DOST-PAGASA na inaasahang lalakas pa ang kasalukuyang “strong” El Niño at magiging “very strong” sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026, bago magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.

Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ang El Niño ng mas maiinit na temperatura at mas mababang ulan sa malaking bahagi ng bansa, na nagpapataas sa panganib ng dry spells at drought.

Maaari itong makaapekto sa agrikultura, suplay ng tubig, produksyon ng enerhiya, kalusugan ng publiko at iba pang sektor ng ekonomiya.

Gayunman, nagbabala rin ang PAGASA na hindi nangangahulugang tuluyang mawawala ang malalakas na pag-ulan.

Maaari pa rin umanong magdala ng localized na above-normal rainfall ang habagat at mga tropical cyclone, partikular sa kanlurang bahagi ng Pilipinas.

Hinimok naman ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang mga lokal na pamahalaan at climate-sensitive sectors na magsagawa agad ng mga hakbang batay sa datos upang mapagaan ang epekto ng El Niño.

“Climate information must be utilized before a crisis strikes,” ani Solidum, habang binigyang-diin ang maagang paghahanda sa farming schedules, komunidad, imprastraktura at essential services.

Sinabi naman ni PAGASA Administrator Dr. Nathaniel V. Servando na patuloy nilang babantayan ang kondisyon ng El Niño at maglalabas ng regular na abiso habang nagbabago ang sitwasyon.

Hinimok ng PAGASA ang mga ahensya ng gobyerno, mga apektadong sektor at publiko na agad ipatupad ang mga hakbang para sa water conservation at mitigation bilang paghahanda sa inaasahang pagpapatuloy ng very strong El Niño hanggang 2027. (AM)