WebClick Tracer

P2.75T nawala sa ekonomiya dahil sa korapsyon, inflation – Gatchalian

Mahigit P2.75 trilyon ang nawala sa ekonomiya sa second quarter ng 2025 hanggang second quarter ng 2026 dahil sa korapsyon at inflation, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

“Dahil po sa corruption, dahil rin po sa inflation ang nawala po sa ating ekonomiya since 2025 Q2, about P2.7 trillion in terms of both actual losses and opportunity losses. So, dalawang bagay kaya nawala itong P2.7 trillion from our economy,” pahayag ni Gatchalian sa pagdinig ng Ad Hoc Committee on Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) nitong Huwebes.

“Yung actual losses, kasi ito yung pagbagal ng government consumption at government construction at yung opportunity loss, kapag may corruption, yung mga investors, hindi nag-i-invest kasi nawala din yun,” dagdag pa niya.

Binanggit din ni Gatchalian na ang Pilipinas ay pangalawa na ngayon pagdating sa economic growth sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) dahil sa korapsyon at Iran conflict.

“Hindi pa naman too late, we’re not saying it’s too late. What we’re saying is we need to get ourselves in order. We need to strategize,” ani Gatchalian.

Sinabi ni Senadora Risa Hontiveros, chairperson ng ad hoc committee, ang kanilang layunin ay bigyang-prayoridad ang mga reporma sa istruktura ng batas at pangmatagalang panghihimasok sa patakaran na naglalayong makamit ang napapanatiling paglago ng ekonomiya.

“Isang taon nang humihina ang ating ekonomiya. Mula 3.9 percent noong third quarter ng 2025, nasa 2.3 percent na lang ngayon,” sabi ni Hontiveros.

“When an economy has too few or no buffers at all, Filipino families absorb every shock. Sila ang matatamaan at mabubugbog. So our urgent task is clear: make sure Filipinos do not fall back into poverty every time a crisis hits,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Undersecretary Reynaldo Cancio, ang huminang consumer at business confidence, ay nagresulta sa matinding pagbaba ng mga pampublikong pamumuhunan, partikular na sa imprastraktura. Ang mga alalahaning ito ay lalo pang pinalubha ng krisis sa Gitnang Silangan.” (Dindo Matining)