WebClick Tracer

P2.6M kagamitan, materyales sa umano’y ilegal na pagmimina nasamsam sa Quezon

Mahigit P2.6 milyong halaga ng mga kagamitan at materyales na umano’y ginagamit sa ilegal na pagmimina ang nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Barangay Bulo, Buenavista, Quezon.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-12:47 ng tanghali nitong noong Martes September 22 sa pagpapatupad ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 7076 o People’s Small-Scale Mining Act of 1991, kasama ang Executive Order No. 79.

Kabilang sa mga nakumpiska ang mga sako ng tailings at apog, mga lalagyan ng nitric acid, compressors, dynamos, submersible pumps, generator set, ball mills, isang lalagyan ng hinihinalang sodium cyanide, at mga silver compound na umano’y ginagamit sa pagproseso ng ginto.

Tinatayang nasa ₱2,608,900 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na kagamitan at materyales.

Kasama ng CIDG Quezon Provincial Field Unit sa operasyon ang Provincial Mining Regulatory Board, Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit, Quezon Provincial Mobile Force Company, Philippine Army, MENRO Buenavista at lokal na himpilan ng pulisya.

Ayon sa CIDG, isinagawa ang operasyon matapos humingi ng police assistance ang PMRB dahil sa isang small-scale mining operation sa lugar na umano’y isinasagawa nang walang kinakailangang permit o awtorisasyon.

Binigyang-diin ng CIDG na bagama’t kinikilala ng batas ang mga legal at reguladong small-scale mining activities, kailangan pa ring sumunod ang mga operator sa mga umiiral na batas, regulasyon at environmental requirements.

Paalala ng CIDG, maaaring magdulot ng soil erosion, pagbaha, landslide at polusyon sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig ang pagmimina na isinasagawa nang walang kaukulang permit at environmental safeguards. (Ronilo Dagos)