WebClick Tracer

NSCR, Metro Manila Subway made-delay dahil kulang pondo

Pito hanggang siyam na taon pa ang hihintayin ng sambayanang Pilipino para magkaroon ng maayos na transportasyon dahil hindi binuhusan ng gobyerno ng pondo ang North-South Commuter Railway (NSCR) at Metro Manila Subway.

Sa interpelasyon ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, inamin ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ni Northern Samar Rep. Edwin Ongchua, na made-delay ang mga nabanggit na proyekto dahil hindi sapat ang pondo para sa right of ways (ROW).

“Dito sa NEP (National Expenditure Program), bagama’t insufficient po, P2.7 billion po dito sa North South Commuter Railway alone,” ani Ongchuan na siyang nagdepensa sa P300.96 bilyon budget ng DOTr.

Sa pagtatanong pa rin ni Cendaña, sinabi ni Ongchuan na P30 billion ang kailangang pondo sa ROW sa NSCR kung saan inamin din nito ang kulang din ang pondong ibinigay para sa ROW sa Metro Manila Subway.

“Kulang din po your Honor, kaya humihingi ang DOTr ng karagdagang pondo for both North South Commuter Railway and Metro Manila Subway,” ani Ongchuan.

“Definitely made-delay ang dalawang projects po,” ayon kay Ongchuan nang tanungin ni Cendaña kung ano ang iplikasyon ng kawalan ng pondo sa dalawang proyektong ito ng hanggang dalawang taon.

“Ginoong Speaker talaga pong nakakabahala dahil sa kakulangan sa appropriation for right of way madedelay po ng dalawang taon ang ang Metro Manila Subway projects at North South Commuter Railway,” ani Cendaña.

“Sigurado po ako na sa pagdinig na ito, pag narinig ito ng ating mga kababayan sa Central Luzon, sa Metro Manila at sa Southern Tagalog, talaga pong umaaray sila para malaman na dalawang taon ang magiging delay,” ani Cendaña.

Unang itinakda ng Malacanang na taong 2033 matatapos ang NSCR subalit sa delay ay magiging 2035 na ito o 9 na taon mula ngayon habang ang Metro Manila Subway ay matatapos sa 2033 imbes na 2031.

“Hindi deserve ng mga commuters na pinaghihintay ng 7 or 9 years para sa isang maayos at modernong transport system,” ani Cendaña. (Bernard Taguinod)