WebClick Tracer

Mga bagong ambassador ng Netherlands, Switzerland tinanggap ni PBBM sa Malacañang

Nakipagkita kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong ambassadors ng The Netherlands at Switzerland sa ginanap na presentation of credentials sa Malacañang ngayong Huwebes.

Mainit na tinanggap ng Pangulo sina Dutch Ambassador Roderick Wols at Swiss Ambassador Edgard Christoph Doerig sa kanilang bagong tungkulin sa bansa.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang malakas na economic partnership ng Pilipinas sa Dutch government at umaasang mas lalawak pa ang relasyon sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan, water management, transportasyon at imprastruktura.

Sa panig naman ng Swiss government, tinukoy ni Pangulong Marcos Jr. ang mainit at malapit na relasyon ng Pilipinas at Switzerland sa matagal ng panahon at hangad na mas lalo pang maging malapit ang dalawang bansa sa panahon ng termino ni Ambassador Doerig.

Nakatakdang ipagdiwang ng Pilipinas at Switzerland ang ika-70 anibersaryo ng diplomatikong relasyon sa susunod na taon na isang pagkakataon para mas lalo pang palalimin ang kooperasyong bilateral ng dalawang bansa. (Aileen Taliping)