WebClick Tracer

Massage therapist timbog sa umano’y pangingikil ng P250K sa kliyente

Arestado ng National Bureau of Investigation – Organized and Transnational Crimes Division ang isang 26-anyos na massage therapist dahil sa umano’y pangingikil ng P250,000 sa kanyang kliyente.

Ayon sa ulat ni Andrea Salve ng Bilyonaryo News Channel, nagpanggap umano ang suspek bilang menor de edad niyang kaibigan na ipinakilala niya sa biktima.

Gamit ang account na nakapangalan sa menor de edad, tinakot umano ng suspek ang biktima na ikakalat sa internet ang sensitibong mga video nilang dalawa at ipapadala rin ang mga ito sa asawa ng biktima.

Kalaunan, natuklasan umano ng mga imbestigador na ang massage therapist ang nasa likod ng account na ginagamit sa pananakot sa biktima.

Matapos umanong makakuha ng P100,000 mula sa biktima, humingi pa umano ang suspek ng dagdag na P150,000.

Dito na kumilos ang mga awtoridad at naaresto ang suspek sa Quezon City nitong Miyerkoles, Setyembre 23.

Nahaharap ang suspek sa reklamong robbery with extortion na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act. (IS)

 

 

https://x.com/bncdotph/status/2103077097334055291?s=46&t=-eIg9FJNw19GG8GBctecoA