May posibilidad na kagagawan ng organized at syndicated grupo ang nangyaring magkakasunod na insidente ng pamamaril sa mga eskuwelahan sa bansa, ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan.
Sa pagdinig ng panukalang 2027 budget ng Department of Justice, sinabi Pangilinan na hindi pangkaraniwan ang tatlong magkakasunod na insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
“Meron tayong mga nakakalap na impormasyon na parang unusual or hindi pangkaraniwan, yung tatlong beses sunud-sunod every month, yung mass shooting na never nangyayari noon, which leads many to suspect that this is actually organized, syndicated, and calibrated,” pahayag ni Pangilinan.
“And I wouldn’t be surprised if it is, as a means to create chaos, to create instability, to create fear, and to make government look weak. In other words, that as angle,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na valid at may basehan ang obserbasyon ni Pangilinan.
Sa kanilang imbestigasyon, sinabi niyang may iba’t ibang grupo na nagti-trigger sa mga estudyante na makagawa ng krimen tulad ng pamamaril.
“Meron naman po mga lurkers na tinatawag na kinokopya lang ito, merong as simple as yung estudyante na hindi nakagawa ng homework, magsasabi na may shooting na mangyayari,” ani Matibag.
“So those are the things that we want to monitor as a team within the family of DOJ , and of course ang NBI po, we want to be very active on this one,” dagdag pa niya. (Dindo Matining)


