Nilinaw ni Senate President Sherwin Gatchalian na nananatiling miyembro ng minority bloc si Senador Mark Villar kahit bumoto pabor sa pagbabago sa voting threshold sa Vice President Sara Duterte impeachment trial.
Ayon kay Gatchalian, ang naging boto ni Villar ay para sa pag-overturn sa ruling ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na two-thirds ng majority ng mga senador ay 16 na boto para ma-convict si Duterte sa ilalim ng Konstitusyon.
“As of yesterday, ‘yung kanyang boto is to overturn the ruling ng presiding officer. So ‘yun lang, ‘yun lang ‘yung kanyang boto,” saad ni Gatchalian sa ambush interview nitong Huwebes, Setyembre 24.
“Wala naman siyang binoto na majority or SP (Senate president), wala naman,” dagdag niya.
Saad pa ni Gatchalian, wala ring abiso si Villar na sasali na sa majority bloc.
Si Villar ang nag-iisang senador mula sa minority bloc na lumahok sa botohan noong Miyerkoles kaugnay ng voting threshold.
Hindi nakilahok sa naturang botohan ang anim na iba pang minority senators, kabilang na si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Sa naging desisyon ng impeachment court, binago ang 16-vote requirement at itinakda na ang two-thirds threshold ay ibabatay sa mga senator-judge na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa paglilitis. (IS)


