Hindi umano makatarungan para sa isang senator-judge na bumoto sa impeachment trial kung hindi nito personal na narinig ang mga ebidensya at nasaksihan ang mga testigo.
Inihayag ito ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Antonio Pido sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel.
Ayon kay Pido, mahalagang bahagi ng pagiging hukom ang personal na pakikinig sa paglilitis, lalo na sa pagsusuri ng testimonya ng mga saksi.
“As a Senator-Judge, kami mga lawyer, alam namin. ‘Pag ika’y huwes, dapat nakinig ka sa trial, nakinig ka sa ebidensya, nakinig ka sa mga testigo,” aniya.
Giit niya, hindi sapat ang pagbabasa lamang ng mga transcript ng paglilitis dahil mahalaga ring makita ng hukom ang kilos, reaksiyon at paraan ng pagsagot ng isang testigo.
“Hindi pwede, buboto ako. Hindi po pwede. Kahit sa ordinary trial, hindi po pwede ‘yun. Malaking problema pag gano’n,” dagdag niya.
Iniuugnay ni Pido ang usapin sa mga senator-judge na hindi personal na nakadalo sa ilang bahagi ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang mga nakadetineng sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Rodante Marcoleta.
Nang linawin kay Pido na hindi siya sang-ayon sa pananaw na maaaring basahin na lamang ng mga senator-judge ang transcripts at iba pang dokumento bago bumoto, aniya, “Oo, kasi trial ito eh.”
“Ako yung huwes. Iba yung magiging perception ko sa testigo kung nakikita ko siya, kaysa sa babasahin ko lang ang transcript,” dagdag pa ng dating IBP chief.
Panoorin ang buong panayam kay Pido sa September 23 episode ng “On Point”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


