Muling hinamon ni prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na maglabas ng ebidensiya sa panibagong alegasyon na bumalik ang “insertion” ng mga congressman sa 2027 national budget.
“Ngayon, he’s going back to his previous ploy na i-drag ’yung buong Kongreso dito po sa usapin po ng budget insertions. Again, the challenge to Mayor Magalong stands: Who are these congressmen that are making budget insertions for the 2027 budget?,” ani Ridon.
Nauna rito, sinabi ni Magalong sa isang panayam na bumalik aniya ang insertion sa pambansang pondo sa susunod na taon na kasalukuyang tinatalakay sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Magalong, nawala ang insertions sa 2026 national budget dahil nagkahigpitan dahil sa anomalya sa flood control projects na nabunyag noong 2025.
Subalit ayon kay Ridon, hindi ito ang unang pagkakataon na nag-akusa si Magalong subalit wala itong naipakitang ebidensya sa kabila ng maraming pagkakataon na patunayan ang kanyang alegasyon.
“Una, sabi niya mga prosecutors. He was challenged to say, who are these prosecutors? Hindi naman niya nabanggit ’yung mga pangalan,” pahayag ni Ridon.
Ang alegasyon na ito ni Magalong ay ginawa sa kasagsagan ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte noong Agosto subalit hanggang ngayon ay hindi aniya mapangalanan ng Alkalde ang mga prosecutors na may insertions sa pambansang pondo.
“Kasi as far as I remember, he has been making challenge after challenge on congressmen, pero hanggang sa ngayon wala pong napapangalanan,” ayon sa mambabatas.
“So again, it’s a challenge to Mayor Magalong na pangalanan mo itong mga kinatawan na sinasabi niyang involved dito po sa budget insertions for 2027 national budget,” dagdag pa ng mambabatas. (Bernard Taguinod)


