Hiniling ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. sa Senate impeachment court na suriin ang pahayag ni Atty. Paolo Panelo, ang spokesperson ni Vice President Sara Duterte, na maaaring lumabag sa sub judice rule.
Ginawa ni Abante ang pahayag matapos tanungin ng mga reporter ang House prosecution panel kaugnay ng sinabi ni Panelo na minanipula ng ilang senator-judge ang botohan na nagresulta sa bagong ruling kung saan ibabatay ang two-thirds vote para ma-convict si Duterte.
Bagama’t kinilala ni Abante na hindi kabilang si Panelo sa defense team ni Duterte, iginiit nito na nagsasalita si Panelo bilang opisyal na spokesperson ng Bise Presidente.
“He might not be a member of the defense team,” sabi ni Abante sa press conference nitong Huwebes. “But he is officially the spokesperson of the Vice President.”
“Therefore, kasama siya roon,” dagdag pa ng solon. “I believe the impeachment court should also look into what Atty. Panelo said, being a lawyer.”
Bumoto ang Senate Impeachment Court ng 13–1, at anim na senator-judge ang hindi lumahok, upang linawin na ang constitutional phrase na “all the Members of the Senate” ay tumutukoy sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa oras ng paghatol.
Tinawag ni Panelo ang ruling na “lokohan” at kinuwestiyon din ang pagiging patas nito.
Sinabi ni Abante na nasa impeachment court ang pagpapasya kung ang mga pahayag ay paglabag sa sub judice rule.
“Kung talagang ito ay sub judice, because he speaks about the matters of the impeachment, dapat lang managot siya,” sabi ng mambabatas. “Naniniwala ako, dapat siyang managot dito.”
“Hindi na prosecution team ang sinabihan niya,” dagdag pa ni Abante. “Iyong mismong mga senator-judges ang sinabi niyang naglolokohan.” (Billy Begas)


