Habang patuloy na tumataas sa mapanganib na antas ang temperatura ng mundo, muling iginiit ng Pilipinas ang panawagan para sa climate justice at hinikayat ang pandaigdigang komunidad na kilalanin ang hindi pantay na bigat ng epekto ng krisis sa klima sa mga bansang higit na bulnerable.
Pinagtitibay ng pinakahuling ulat ng United Nations Environment Programme (UNEP) ngayong 2026 ang matagal nang babala ni Senator Loren Legarda na malayo pa ang kasalukuyang pagkilos ng mundo sa kinakailangan upang maabot ang mga pandaigdigang climate target.
Ayon sa ulat, posibleng lumampas ang global warming sa 1.5°C threshold sa loob lamang ng susunod na ilang taon dahil nananatiling hindi sapat ang pagbawas sa greenhouse gas o GHG emissions.
Sa pinakamainam na senaryo, tinatayang maaaring umabot muna sa 1.8°C above pre-industrial levels ang pag-init ng mundo bago ito unti-unting maibaba sa mas mababa sa 1.5°C pagsapit ng 2100 sa pamamagitan ng malawakang pagbawas ng emissions at carbon removal.
Sa mas malalang mga senaryo, maaari namang lumampas sa 2°C ang pag-init ng mundo, na higit na nagpapataas sa panganib na maabot ang mga kritikal na tipping point sa kalikasan at magdulot ng pinsalang maaaring hindi na maibalik.
Binigyang-diin ni Legarda na matagal nang malinaw ang maaaring kahinatnan ng patuloy na pagkukulang sa climate action.
“I hate to be proven right, but as I said, inaction will lead to us failing to meet the 1.5°C target. Ang masakit na katotohanan ay, hindi lang basta numero ang mga ito, kundi mga numero na may epekto sa ating kapaligiran at ating buhay. Nangangahulugan ito ng mas malakas na mga bagyo, mas matinding tag-init, at iba pang mga sakuna dulot ng climate change,” ipinahayag ni Legarda.
Muling nanguna ang Pilipinas sa 2025 World Risk Index dahil sa matinding exposure nito sa magkakapatong na panganib at sakuna. Para sa bansa, ang pagkabigo ng mundo na maabot ang climate targets ay hindi lamang usapin ng mga numero o projection kundi isang realidad na nararanasan ng mga komunidad.
Sa buong Southeast Asia, nakikita ito sa sunud-sunod at magkakaugnay na climate risks, mula sa matitinding monsoon rains na nagdudulot ng malawakang pagbaha hanggang sa transboundary haze mula sa mga forest fire sa rehiyon. Kasabay ng pabagu-bago at mas matinding weather events sa iba’t ibang bahagi ng mundo, higit nitong inilalantad ang malaking agwat sa pananagutan at epekto ng climate crisis. Ang mga bansang may pinakamaliit na ambag sa problema ang kadalasang dumaranas ng pinakamabigat na pinsala. (Dindo Matining)


