Ikalawang beses nang naaresto sa loob lamang ng dalawang buwan ang isang lalaki dahil sa umano’y pagnanakaw sa parehong condotel sa Barangay Amuyong, Alfonso, Cavite.
Kinilala ng Police Regional Office 4A ang suspek na si alyas Christopher, na nahuli noong Setyembre 23.
Nahuli umano siya matapos makita ng security guard sa loob ng condotel bandang 6:00 ng umaga.
Tumakbo umano ang suspek nang sitahin ng guwardiya, ngunit nahabol at napigilan bago makatakas sa bakod.
Nakita sa lugar ang pinuwersang bukas na pinto ng bodega, mga kahon ng electrical wire na nakakalat, at ilang rolyo ng wire na umano’y balak niyang dalhin.
Natagpuan din umano ang kanyang tricycle na pinaniniwalaang gagamitin bilang getaway vehicle.
Ayon sa pulisya, naaresto na rin si Christopher noong Hulyo 27 dahil sa parehong insidente at complainant, na kalauna’y nakapagpiyansa at nagkaroon ng settlement sa kaso. (AM)


