Nagsalita si Kim Chiu matapos niyang dumalo sa arraignment ng kapatid na si Lakambini “Lakam” Chiu kaugnay ng isinampa niyang kasong qualified theft.
Isinagawa ang arraignment sa Quezon City Hall of Justice nitong Huwebes, Setyembre 24.
Sa kanyang official statement na ibinahagi ni entertainment journalist MJ Felipe, sinabi ni Kim na sobra siyang nasasaktan sa nangyari at naiintindihan niyang maaaring iba-iba ang opinyon ng mga tao sa kanyang naging desisyon.
“I do not know where to start po. Sobrang nasasaktan po ako. People may have different opinions with my decision, and I understand that,” pahayag ng aktres.
Ani Kim, hindi tungkol sa personal niyang pera ang usapin kundi sa negosyong sinimulan noong 2023 at itinayo niya sa loob ng maraming taon ng pagtatrabaho, sakripisyo at mga pangarap.
Aniya, buong puso ang ibinuhos niya sa naturang negosyo dahil umaasa siyang magiging kinabukasan niya ito pagdating ng panahon na aalis na siya sa show business.
Sinabi rin ng aktres na ang isinampa niyang kaso ay para lamang sa mga nangyari mula Enero hanggang Hulyo 2025.
Marami pa umanong detalye sa likod ng isyu ngunit pinili muna niyang huwag itong ibunyag sa publiko dahil nagpapatuloy ang legal na proseso.
Napakarami raw niyang pinipiling huwag sabihin sa ngayon dahil may tamang panahon at lugar para sa katotohanan.
Sa ngayon ay nagtitiwala raw siya at hinahayaan na magpatuloy ang legal na proseso.
“This is a business I worked so hard to build, and I believe that going through this legal process should never take away the company’s right to stand up for what is right, protect what the company have worked for, and seek accountability through the proper legal process,” giit niya.
Nahaharap si Lakam sa 124 bilang ng qualified theft. Dahil umano ito sa hindi awtorisadong pagkuha ng nasa P44.4 milyon mula sa pondo ng kanilang negosyo. (IS)


