Magsasagawa ang Kamara de Representantes ng necrological service sa Biyernes, Setyembre 25, para sa huling pagkilala sa yumaong si Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr.
Pangungunahan nina Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos ang mga miyembro ng 20th Congress sa pagbibigay-pugay kay Gato sa seremonya na gaganapin mula alas-9 hanggang alas-11 ng umaga sa plenaryo ng Kamara.
Bukod kay Dy, magbibigay rin ng eulogy sina Ilocos Sur Rep. Kristine Singson-Meehan, Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, Cagayan Rep. Joseph Lara, Muntinlupa Rep. Jaime Fresnedi, dating Batangas Rep. Mark Llandro Mendoza, Dr. Edwin Mercado, Dr. Charlotte Chiong, at Dr. Gerardo Legaspi.
Pormal ding ibibigay ng Kamara sa pamilya ni Gato ang resolution of condolences at legislative memorabilia. Ang anak ni Gato na si Atty. Georgina Mia Gato ang magsasalita para sa kanilang pamilya.
Pamumunuan ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V ang seremonya habang pangungunahan ng Philippine National Police (PNP) Band ang processional.
Pumanaw si Gato noong Setyembre 21 sa edad na 66. Kinatawan niya ang lone district ng Batanes sa loob ng tatlong magkakasunod na termino simula 2019. Siya ay pumanaw habang nagsisilbi sa 20th Congress.
Bilang chairperson ng House Committee on Health, itinulak ni Gato ang mga panukalang may kinalaman sa pagpapaunlad ng mga ospital, maternal at child health, medical professionals, proteksyon ng mga pasyente, emergency care, blood services, at pagpapalakas ng public health system ng bansa.
Kabilang sa mga pambansang health measure na itinulak ni Gato ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines Act at batas na nagpapalawak sa bed capacity ng CARAGA Regional Hospital.
Nauna nang inaprubahan ng Kamara ang House Resolution 1470, na pangunahing inakda nina Dy, Marcos at Minority Leader Marcelino Libanan, na nagpapahayag ng pakikiramay ng Kamara sa pamilya ni Gato at kumikilala sa kanyang serbisyo sa kanyang mga kapwa Ivatan at sa bansa. (Billy Begas)


