Mas matatagalan pa bago umandar ang Calamba to Clark North South Commuter Railway at Metro Manila Subway dahil sa kakulangan ng pondo para sa right-of-way (ROW) acquisition, ayon kay House Deputy Minority Leader at Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña.
“Sa pagtatanong natin sa plenaryo kagabi sa budget ng DOTr, napag-alaman natin na nabiktima ng double delay ang tren from Calamba to Clark na North-South Commuter Railway (NSCR) dahil kapos ang budget sa right-of-way acquisition,” sabi ni Cendaña.
“Last week minove ng Malacañang to 2033 ang timeline pero kagabi nirevise ng DOTr ang timeline to 2035,” dagdag pa ng solon.
Bukod sa NSCR, sinabi ni Cendaña na naantala rin hanggang 2033 ang pagsisimula ng operasyon ng Metro Manila Subway dahil sa mga isyu sa ROW.
“Hindi deserve ng mga commuters na pinaghihintay ng 7 or 9 years para sa isang maayos at modernong transport system. Ibigay dapat ang buong pondo para i-modernize ang ating transport system, kasali na diyan ang pondo para sa EDSA Busway, Service Contracting, at Fuel Subsidies para sa mga tsuper,” dagdag pa ni Cendaña. (Billy Begas)


