WebClick Tracer

Jeepney driver sa Manila road crash habambuhay nang bawal magmaneho

Isang pampasaherong jeep na sangkot sa aksidente sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila habang iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Ipinataw ng Land Transportation Office (LTO) ang perpetual revocation o lifetime ban sa pagkuha ng lisensya sa driver ng pampasaherong jeep na sangkot sa road crash sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila noong Setyembre 12.

Ayon sa LTO, napatunayang improper person to operate a motor Vehicle ang driver matapos ang imbestigasyon sa insidente na ikinasawi ng isang 60-anyos na babae at ikinasugat ng walong iba pa.

Batay sa imbestigasyon, nawalan ng preno ang jeep habang binabagtas ang northbound lane ng Rizal Avenue. Napunta ito sa sidewalk bago bumangga sa isang poste at tumagilid.

Hindi dumalo ang driver sa isinagawang pagdinig, ngunit ipinagpatuloy ng LTO ang proseso at ibinatay ang desisyon sa mga ebidensiya at dokumentong nakalap kaugnay ng insidente.

Bukod sa lifetime ban, napatunayang lumabag ang driver sa operating a motor vehicle with defective parts and accessories at reckless driving.

Nahaharap din sa pananagutan ang rehistradong may-ari o operator ng jeep para sa operating a motor vehicle with defective parts and accessories at employing a reckless driver, alinsunod sa Joint Administrative Order 2014-01.

Samantala, nananatiling naka-alarm status ang naturang pampasaherong jeep habang isinasagawa ang kaukulang proseso ng LTO. (AM)