WebClick Tracer

Home security dapat magsimula sa risk assessment – security expert

Dapat munang tukuyin ng mga pamilya ang posibleng panganib sa paligid ng tahanan bago magdagdag ng mga security feature gaya ng locks, alarms at CCTV, ayon sa security and risk management executive na si Augustus Caesar Esmeralda.

Sa panayam sa “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Esmeralda na magkakaiba ang security risks depende sa lugar at uri ng tirahan, kaya hindi maaaring basta gayahin ang security measures ng ibang bahay.

“The most important thing we have to consider on the term overlooked is really on not doing the risk assessment… [that] will cover practically the entire physical structure of your house,” ani Esmeralda.

“From the risk assessment, we will know already the gaps. Kung anong mga problema… there are so many layers of security measures that you have to do, which is based on risk assessment,” dagdag niya.

Aniya, dapat isaalang-alang ang kapaligiran ng bahay, kabilang ang mga kapitbahay, daanan at iba pang lugar na maaaring pagmulan ng panganib.

Mahalaga rin umano ang situational awareness at paghahanda ng buong pamilya, lalo na sa mga emergency gaya ng sunog, lindol at baha.

“Even if you have this risk assessment, and then tinago lang ng tatay, hindi niya na-disclose, na-share sa family, it’s really important that everybody is in one page,” ani Esmeralda.

Binigyang-diin din ni Esmeralda ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga kapitbahay bilang bahagi ng seguridad at community preparedness.

“Security kasi is not just done by one person. It’s really a community effort,” dagdag pa niya.

Panoorin ang buong panayam sa September 24 episode ng “The Commanders” kasama sina Brig. Gen. Jean Fajardo (Ret.) at Rear Admiral Armand Balilo (Ret.) sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.

Mapapanood ang programa Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)