WebClick Tracer

Hatol ng Senate impeachment court final agad, walang apela – Luistro

Woman in red blouse with glasses speaks into a microphone at a panel or press conference in a formal setting.

Hindi maaaring iapela ang hatol ng Senate impeachment court ito man ay conviction o acquittal, ayon kay House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro.

Ginawa ni Luistro ang pahayag isang araw matapos bumoto ang Senate impeachment court ng 13–1, kung saan hindi lumahok ang anim na senator-judges, upang bigyang-kahulugan ang “all the Members of the Senate” bilang mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa oras na ilabas ang hatol.

“The decision of the impeachment court on the verdict is not appealable,” sabi ni Luistro sa press conference nitong Huwebes, kung saan tinanong siya kung maaari pa bang humingi si Duterte ng reconsideration o tumakbo bilang presidente sa 2028 kung ma-convict at tuluyang ma-disqualify sa paghawak ng public office.

“That is basic. Hindi ito subject to review,” dagdag pa ng lady solon. “The decision of the impeachment court on the acquittal or conviction is not—never—appealable.”

Ibinigay ng Konstitusyon sa Senado ang eksklusibong kapangyarihang dinggin at desisyunan ang mga impeachment case. Nililimitahan nito ang maaaring igawad na parusa sa pagtanggal sa puwesto at diskuwalipikasyon sa paghawak ng public office, nang hindi inaalis ang posibilidad ng pagsasampa ng kasong kriminal.

“Kung ano man ang maging desisyon ng kagalang-galang na Impeachment Court, whether it is for conviction or for acquittal, there is no remedy for appeal or review,” sabi ni Luistro.

Ayon kay Luistro kung iaakyat sa Korte Suprema ang apela ay limitado lamang ito sa pagtukoy kung nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Senate impeachment court.

“The only possibility is if there will be grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction,” sabi ng mambabatas.

Ayon kay Luistro naging maingat ang Senate impeachment court maging sa usapin ng voting threshold.

“Even this question of threshold, they were able to demonstrate ample due process, ample caution before they were able to come up with a ruling on the threshold vote,” sabi ng lady solon.

Nag-imbita umano ang Senate court ng mga amici curiae, dininig ang oral arguments mula sa prosekusyon at depensa, pinayagan ang mga tanong mula sa senator-judges, at nagsagawa ng deliberasyon bago bumoto kung saan ibabase ang pagkukuwenta ng two-thirds vote na kailangan para sa isang conviction. (Billy Begas)