Tiklo ang tatlong pasahero matapos masabat ng Bureau of Customs (BOC) sa kanilang mga bagahe ang halos P18.68 milyong halaga ng hinihinalang high-grade marijuana o kush sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BOC, dumating sa NAIA Terminal 3 mula Bangkok, Thailand ang tatlong pasahero nitong Huwebes, Setyembre 24.
Sumailalim sa physical examination ang kanilang anim na bagahe matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe sa X-ray.
Sa pagsusuri, natuklasang ang mga bagahe na sa simula ay tila naglalaman ng foodstuff ay may hinihinalang kush. Tinatayang nasa 18,679 gramo ang nakumpiska, na nagkakahalaga ng P18,679,000.
Patuloy pa ang pagsusuri at beripikasyon ng mga awtoridad sa mga nakumpiskang kontrabando. Inaasahang maglalabas ang BOC ng karagdagang detalye matapos makumpleto ang pagsusuri. (AC)


