WebClick Tracer

Gobyerno may P311.4B pondo na hindi pa naibibigay sa PhilHealth

Umaabot umano sa P311.4 bilyon ang halaga ng pondo na hindi pa naibibigay ng national government sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Sa deliberasyon sa plenaryo nitong Huwebes, nagtanong si 4K party-list Rep. Iris Marie Montes tungkol sa pondo ng PhilHealth kay Bataan Rep. Albert Garcia, ang sponsor ng panukalang budget ng Department of Health (DOH) at mga attached agencies nito.

“Has the national government provided the full counterpart contributions to PhilHealth from sin taxes, PAGCOR, and PCSO as mandated by law?” tanong ni Montes.

Sagot ni Garcia, “… the total unappropriated mandated funding sa computation po is around P199.44 billion.”

Ayon kay Garcia, kabilang dito ang P133.22 bilyon mula sa sin tax collections at P62.22 bilyon mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Dagdag pa ng budget sponsor, may P112.048 bilyong pondo na inilaan para sa PhilHealth ngunit hindi pa naibibigay ng national government.

“So sa kwenta po ng PhilHealth, P311.4 billion ang kakulangan ng national government, na dapat na naibigay sa PhilHealth,” sabi ni Montes.

Sunod na tanong ni Montes kay Garcia kung nakatulong sana ang naturang pondo upang mapabuti ang serbisyong ibinibigay ng PhilHealth sa mga miyembro nito.

“Speculatively, kasi hindi naman po naibigay. Kung naibigay, baka malaki po yung nabawas doon sa out-of-pocket ng ating mga pamilya or indibidwal pagdating sa healthcare. Baka 10 to 15% ang mababawas,” sagot ni Garcia. (Billy Begas)