Hindi pa umano maaaring dalhin sa Supreme Court ang usapin sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil wala pang aktuwal na paglabag sa karapatan ng respondent.
Inihayag ito ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Antonio Pido sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel.
Ayon kay Pido, kailangan munang magkaroon ng aktuwal na justiciable controversy bago maaaring umaksyon ang Korte Suprema.
Maaari lamang umabot sa SC ang usapin kung may nilabag na karapatan ng respondent o kung nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Senate Impeachment Court.
“With due respect, tingin ko hindi pa eh. It’s not yet ripe for decision,” pahayag ni Pido.
Ipinaliwanag niya na wala pa umanong sapat na batayan para sa pagdulog sa Korte Suprema dahil hindi pa naman bumoboto ang Senate impeachment court.
“Wala pang pagbobotohan eh. Hindi pa sila nagbobotohan so wala pang karapatan na nilalabag ang defendant at this point,” ani Pido.
Kaugnay ito ng usapin sa kinakailangang voting threshold para sa conviction sa impeachment trial, kabilang ang panukalang bilangin ang two-thirds ng mga miyembrong legal at factual na kalahok sa paglilitis, sa halip na two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Matatandaan na noong Miyerkoles, nabaligtad ang naunang ruling ni presiding officer at Sen. Chiz Escudero sa impeachment court noong Hulyo 6 na nagtakda ng 16 boto na kailangan para sa conviction.
Sa botong 13-1, inilabas ang bagong ruling na mas 14 ang kinakailangang boto para ma-convict si Duterte at mas mababa na ang kinakailangang boto depende sa bilang ng mga senator-judge na legal at aktuwal na makakalahok sa botohan.
Hindi naman nakikita ni Pido na awtomatikong pakikialam sa Konstitusyon ang pagtatakda ng Senado ng sarili nitong rules para sa impeachment.
“With due respect, I don’t think they are tinkering with the Constitution. What they are doing is to exercise their authority to make their own rules on impeachment,” ani Pido.
Gayunman, sinabi niyang maaaring idulog sa Supreme Court ang usapin ng sinumang naniniwalang umaabuso ang Senado, ngunit kailangan munang magkaroon ng aktuwal na paglabag sa karapatan o grave abuse of discretion bago ito maging sapat na batayan para sa judicial review.
Panoorin ang buong panayam kay Pido sa September 23 episode ng “On Point”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


