Posibleng umabot sa 6,500 ang karagdagang heat-related deaths sa Pilipinas mula Setyembre 2026 hanggang Pebrero 2027 dahil sa inaasahang matinding El Niño, ayon sa projection ng US-based Climate Impact Lab.
Batay sa pananaliksik Climate Impact Lab, tinatayang 6,500 ± 410 ang dagdag na heat-related deaths sa bansa kumpara sa karaniwang taon.
Sa buong mundo, maaaring umabot sa 451,000 ang karagdagang heat-related deaths hanggang Pebrero 2027 dahil sa El Niño, na inaasahang magiging isa sa pinakamataas na naitala.
Ayon sa mga mananaliksik, maaaring tumaas ng 1.2°C above normal ang mga global land temperature sa mga susunod na buwan, na magdudulot ng 44% na mas maraming “extremely hot days” kumpara sa karaniwang taon.
Sa Southeast Asia, tinatayang nasa 19,400 ang karagdagang heat-related deaths, kabilang ang Pilipinas, Vietnam, Thailand at Cambodia. Kasama rin sa mataas na projection ang India na may 15,800 at Brazil na may 13,300.
Inihayag naman ng Climate Impact Lab na makatutulong ang projection sa mga gobyerno at humanitarian organization sa maagang paghahanda, kabilang ang heat warnings, cooling centers at hydration stations. (AM)


