WebClick Tracer

Dump truck natangay ng malakas na agos sa spillway sa Rodriguez, Rizal

Isang dump truck habang inanod ng malakas na agos ng baha sa spillway sa Rodriguez, Rizal.

Natangay ng malakas na agos ng baha ang isang dump truck habang tumatawid sa spillway sa Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal.

Nakaligtas naman ang mga sakay ng truck matapos silang agad na makababa bago tuluyang tangayin ng tubig ang sasakyan.

Ayon sa mga nakasaksi, pinilit umanong tawirin ng driver ang spillway kahit mataas na ang tubig at malakas na ang agos.

Napalihis ang truck sa daanan at nahulog sa gilid ng spillway.

Agad namang ipinagbawal ng barangay ang pagdaan sa lugar at nagpaalala sa mga motorista na huwag nang magpumilit tumawid kapag malakas ang baha.

Ayon sa mga residente, hindi ito ang unang insidente ng sasakyang inanod sa lugar dahil sa pagpupumilit na tumawid sa kabila ng panganib.

Wala rin umanong ibang alternatibong ruta para sa malalaking sasakyan matapos ipagbawal ang kanilang pagdaan sa isang tulay sa loob ng subdivision na tumatawid din sa ilog.

Dahil dito, nananawagan ang mga residente na pag-aralan ang pagtatayo ng bagong tulay upang magkaroon ng mas ligtas na alternatibong daanan at maiwasan ang paulit-ulit na insidente tuwing tumataas ang tubig. (Ronilo Dagos)