WebClick Tracer

Driver na nakasagasa ng pulis sa checkpoint inirekomendang patawan ng lifetime ban

Inirekomenda ni Land Transportation Office (LTO) Chief Markus Lacanilao ang perpetual revocation o lifetime ban sa driver na umano’y nakasagasa sa isang pulis sa Jimenez, Misamis Occidental.

Ayon sa LTO, nangyari ang insidente noong Setyembre 21 nang bumangga ang pribadong sasakyan sa checkpoint signage ng Jimenez Municipal Police Station sa National Highway Intersection, Barangay Butuay.

Kasunod nito, nasagasaan umano ng sasakyan ang isang pulis na kalaunan ay nasawi dahil sa mga tinamong pinsala.

Batay sa isinagawang alcohol test gamit ang Alcoholic Breath Analyzer, nagpositibo sa alcohol ang driver.

Naglabas ang LTO ng show cause order laban sa driver at inatasan siyang personal na humarap at magsumite ng sinumpaang salaysay sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap nito.

Kabilang sa mga paglabag na tinukoy sa kautusan ang improper person to operate a motor vehicle, reckless driving at driving under the influence of alcohol, bukod sa iba pang posibleng pananagutan na matutukoy sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Sinuspinde rin ng 90 araw ang lisensya ng driver at inilagay sa alarm ang sangkot na sasakyan. (AC)