WebClick Tracer

DICT nagpasaklolo na sa US para makausap si Mark Zuckerberg

Humingi na ng tulong ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa gobyerno ng United States para makausap si Meta founder at CEO Mark Zuckerberg.

Ito ang nabatid kay DICT Secretary Henry Aguda sa press conference sa Kamara kung saan posibleng sampahan na umano ng mga ito ng kaso sa International Arbitral Court ang Meta kapag hindi pa rin pinansin ng ito ang mga sulat na ipinadala sa kanila ng ahensya ukol sa online safety measures sa mga kabataan.

“Nag-reach out ng po tayo sa U.S. through our embassy in the U.S. through DFA na kung pwede tulungan na tayo ng American government to talk to Mr. Mark Zuckerbrerg,” ani Aguda.

Aminado ito na pinagtatawanan siya dahil sa kagustuhan nilang makausap si Zuckerberge na isa sa pinakamayamang tao sa mundo subalit hindi umano ito nawawalan ng pag-asa kaya humingi na ng mga ito sa tulong ng US government.

Ginawa aniya ito ng Kalihim dahil mahigit isang taon na umano nilang kinakausap ang META at naka-dalawang sulat na umano ang mga ito sa nassbing kumpanya na may-ari ng facebook, messenger at Instagram.

Meron na rin aniyang nakahanda MOU o memorandum of understanding ukol sa safety protocols na hinihingi ng mga ito sa META subalit hindi pa rin umano sila pinapansin ng META bagama’t nakausap na nila ang opisyales ng kumpanya sa Singapore kamakailan.

Dahil dito, ikinokonsidera na umano ng mga ito na magsampa ng kaso laban sa META tulad ng ginawa ng US at European Union (EU) kung saan pinagbayad ang META dahil sa damage na nagawa ng mga ito sa mga kabataan.

Ayon kay Aguda, $18 billion binayaran umano ng META sa US government habang $20 billion naman sa EU.

“Tayo naman, sabi ko nga kung ayaw nilang makipag-usap, e baka sa korte nalang tayo mag-usap para korte na ang magpaliwanag na meron kayong pananagutan sa mga gumagamit ng Facebook, sa mga kabataan na naadik, sa mga kabataang nabiktima,” ani Aguda. (Bernard Taguinod)