Hindi umano masasayang ang tinatayang P8 bilyong nagastos ng Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda para sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kahit ma-postpone ang halalan
Inihayag ito ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel.
Ayon kay Laudiangco, nagpapatuloy ang paghahanda ng Comelec habang hinihintay ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa batas na naglalayong ipagpaliban ang BSKE.
“We don’t have the luxury of postponing or holding off ‘yung aming preparations,” saad niya. “‘Yung batas ay enrolled na sa ating Pangulo. We’re all just waiting for him whether to sign it magiging batas, or ibe-veto. But in the meantime, kami, tuloy po kami.”
Ayon sa kanya, 69 milyong balota para sa Barangay elections at 24 milyong balota para sa SK elections ang nakahanda na, kasama ang iba pang election materials.
Dalawa na lamang aniyang pangunahing aktibidad ang hinihintay ng Comelec, kabilang ang training ng mga guro na magsisilbing electoral board at ang deployment.
Pansamantala muna itong ipinagpapaliban habang hinihintay kung matutuloy o maaantala ang halalan.
Inihayag ni Laudiangco na may P19 bilyong kabuuang budget ang Comelec para sa BSKE.
“P19 billion po ang budget ni Comelec. Nagastos na po namin yung P8 billion for the procurement, printing and all. So may natitira kaming P11 billion,” aniya.
Kabilang sa natitirang pondo ang P9 bilyon para sa honoraria ng mga guro at P2 bilyon para sa deployment at iba pang gastusin.
Iginiit naman ni Laudiangco na maaari pa ring gamitin sa itinakdang bagong petsa ng halalan ang mga naihandang materyales, kabilang ang mga balota at election returns.
“So doon sa naunang nagastos na P8 billion, practically wala pong masasayang,” ani Laudiangco. “Puwede naman po nating gamitin kahit po ‘yung mga election returns at iba pa, kung kailan mase-set talaga ‘yung halalan.”
Dagdag niya, kung sakaling maitakda ang halalan sa ibang petsa, maaari lamang umanong magbigay ng kaukulang authorization ang Comelec para magamit ang mga naihanda nang election materials.
Matatandaan na sa Senate version ng panukala, ang BSKE na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026 ay ililipat sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at isasagawa kada limang taon pagkatapos nito.
Panoorin ang buong panayam kay Laudiangco sa September 24 episode ng programang “The Spokes”.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook pages ng Bilyonaryo News Channel. (AM)


