WebClick Tracer

Comelec may persons of interest na sa pre-shaded ballots sa Maluso

Mayroon na umanong persons of interest ang Commission on Elections (Comelec) sa imbestigasyon sa mga pre-shaded ballot na nadiskubre sa Maluso, Basilan.

Inihayag ito ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel.

“Sa Maluso, Basilan, ongoing po ang aming fact-finding investigation at makakaasa po kayo na in less than a month, magsasampa kami ng kaso,” ani Laudiangco.

“Actually, alam na po namin,” dagdag pa niya nang tanungin tungkol sa mga nasa likod ng insidente.

Ayon sa Comelec spokesperson, nadiskubre ang mga pre-shaded ballot habang mino-monitor ng mga tauhan ng komisyon ang distribusyon ng mga balota sa mga guro.

atapos makita ang pre-shading, agad na kinumpiska ng Comelec ang mga balota.

Idineklara rin ng Comelec ang Maluso na nasa ilalim ng kontrol ng komisyon at nag-utos ng pagpapalimbag ng mga bagong balota sa National Printing Office.

Dumating ang mga bagong balota sa Maluso noong hapon ng Setyembre 14, sa tulong ng Philippine Air Force.

Gayunman, ipinagpaliban sa kinabukasan ang botohan upang hindi abutin ng gabi ang pagboto ng mga residente.

Isinagawa ang botohan noong Setyembre 15 mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, na umabot sa 88% ang voter turnout, ayon kay Laudiangco.

“Actually, meron na po kaming general idea. Meron na po kaming mga persons of interest dito sa imbestigasyon na ito,” pahayag pa ni Laudiangco.

Panoorin ang buong panayam kay Laudiangco sa September 24 episode ng programang “The Spokes”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook pages ng Bilyonaryo News Channel. (AM)