Nilinaw ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na Reddit lamang ang nabigyan ng extension kaugnay ng direktiba nitong magtalaga ng opisina sa Pilipinas sa loob ng 24 oras at hindi kabilang dito ang Discord.
Ayon sa pahayag ng CICC noong Miyerkoles ng gabi, pinagkalooban ng extension ang Reddit matapos makipagpulong online ang mga opisyal nito sa ahensya.
“Reddit was granted an extension after its officials met with CICC online within the prescribed 24-hour period and engaged with the agency on specific commitments that the Philippines urgently needs to strengthen online child safety,” anang CICC.
Samantala, hiwalay na sumulat ang Discord sa CICC upang ipahayag ang kahandaang makipag-ugnayan tungkol sa mga kasalukuyang hakbang nito para sa teen safety.
Gayunman, sinabi ng CICC na wala pang extension na ipinagkaloob sa Discord.
“However, no extension has been granted to Discord at this time, pending direct discussions with the platform and concrete commitments on the CICC’s requirements,” ayon sa ahensya.
Mahalaga umano ito habang patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang Discord kaugnay ng presensya ng mga extremist community sa platform, kabilang ang mga grupong iniuugnay sa Nihilistic Violent Extremism (NVE).
Ayon sa CICC, may mga grupong nauugnay sa NVE na naiugnay sa radicalization at recruitment ng mga menor de edad na sangkot sa mga kamakailang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa bansa.
Humingi naman ng paumanhin ang ahensya sa anumang kalituhan o hindi pagkakaunawaan na maaaring idinulot ng naunang impormasyon tungkol sa extension. (AM)


