WebClick Tracer

Cendaña sa Senado: I-ban political dynasties hanggang 4th degree of consanguinity

Hinimok ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang Senado na sundin ang panawagan ng Korte Suprema na ipasa ang batas na magbabawal sa mga political dynasty hanggang sa fourth degree of consanguinity at affinity.

Sa panayam sa programang “At the Forefront” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Cendaña na dapat saklaw ng ipapasang anti-political dynasty law ang pagbabawal hanggang fourth degree of affinity at consanguinity, kabilang ang succession sa puwesto.

Nauna nang nagpasa ang Kamara de Representantes ng sariling bersyon ng naturang batas, ngunit hindi ito sinuportahan ng Akbayan.

“Ang gusto nating mangyari sana, the Senate will listen to the Supreme Court and to the clamor of the people,” ani Cendaña.

“Yung sa House of Representatives, technically, done deal na siya kasi naipasa na siya at hindi bumoto para dito ang Akbayan… we even withdrew our authorship of the committee report kasi tingin namin, this is really a departure on what the Constitution mandates,” dagdag niya.

Samantala, naniniwala rin si Cendaña na hindi magiging madali ang pagpasa ng anti-political dynasty bill sa Senado.

“It will be, I’m sure, uphill given the composition of the Senate kaya napakahalaga ng public pressure and a very important element in this conversation now, itong Supreme Court decision. Kasi it’s basically the Supreme Court telling us na, hindi niyo ginagawa ang trabaho nyo, 39 years nang inuupan ang mandatong ito,” paliwanag niya.

Panoorin ang buong panayam sa September 24 episode ng “At the Forefront” ng Bilyonaryo News Channel.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AC)