Maaari pa umanong kuwestiyonin sa Korte Suprema ang ipapasang anti-political dynasty law kung hindi nito susundin ang diwa ng Konstitusyon at ang panawagan ng mataas na hukuman.
Ito ang inihayag ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña sa panayam sa programang “At the Forefront” ng Bilyonaryo News Channel.
“Some camps within the advocacy for a genuine political dynasty are looking into the possibility of, later on, should the Senate and the House pass a political dynasty bill that goes against the spirit of the Constitution, puwedeng tumakbo sa Korte Suprema at i-question ‘yung constitutionality nito,” ani Cendaña.
Sa desisyon nito, sinabi ng SC na may batayan para palawakin ang pagbabawal sa political dynasties hanggang sa fourth civil degree of consanguinity o affinity.
Samantala, noong Hunyo, ipinasa ng Kamara de Representantes sa final reading ang anti-political dynasty bill na magbabawal sa mga mag-asawa o magkamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity sa sabay na paghawak o pagtakbo sa puwesto.
Sinabi naman ni Cendaña na bumoto kontra ang Akbayan sa naturang panukalang batas at binawi ang kanilang authorship sa committee report.
“Tingin namin, this is really a departure on what the Constitution mandates,” dagdag niya.
Panoorin ang buong panayam sa September 24 episode ng “At the Forefront” ng Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AC)


