WebClick Tracer

Bicol Saro solon sa mga talunan sa voting threshold: ‘May tissue ako dito, punasan ninyo ang luha ninyo’

Binatikos ni House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang mga hindi matanggap ang desisyon ng Senate impeachment court kaugnay ng pagbabatayan ng two-thirds na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte.

“Doon sa mga nagsasabi na this is manipulated at kung ano pa man ang sinasabi nila—may tissue ako dito,” sabi ni Ridon. “Punasan ninyo iyong luha ninyo.”

Sa press conference nitong Huwebes, tinanong sina Ridon, Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., at House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro kaugnay ng pahayag ni Davao City Rep. Paolo Duterte na ipinakita ng ruling ng Senado sa conviction threshold na naging bulag na ang hustisya sa bansa.

“Iyan ang opinion niya,” sabi ni Abante. “Ako, mayroon din akong opinyon. Naniniwala ako na ayon sa Constitution ang ginawa ng impeachment court.”

Bumoto ang impeachment court ng 13–1, habang hindi nakilahok ang anim na senator-judge, upang bigyang-kahulugan ang “all the Members of the Senate” bilang mga senador na, sa oras na magbobotohan, ay legal at aktwal na may kakayahang lumahok.

“Hindi po personality ito. Hindi po politics ito,” aniya. “Ang kinakatigan namin dito ang mandato ng Saligang Batas.”

“Sino ang kinakatigan niya?” tanong ni Abante. “Alam naman ng taumbayan, wala siyang ibang kinakatigan kundi iyong kapatid niya.” (Billy Begas)