WebClick Tracer

Bagyong Queenie posibleng maging typhoon sa Linggo – PAGASA

Weather map ng PAGASA na nagpapakita sa tinatahak na landas ng Bagyong Queenie sa loob ng Philippine Area of Responsibility.

Posibleng maging typhoon ang Tropical Storm Queenie pagsapit ng Linggo, Setyembre 27, habang unti-unti itong lalakas sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA nitong Huwebes.

Sa 11 a.m. tropical cyclone bulletin, huling namataan ang bagyo sa layong 1,310 kilometro silangan ng Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 75 km/h at pagbugsong hanggang 90 km/h habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 35 km/h.

Walang tropical cyclone wind signal na nakataas sa anumang bahagi ng bansa sa ngayon.

Samantala, inaasahang magdadala ang Bagyong Queenie ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands simula Sabado, Setyembre 26.

Ayon sa PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang paggalaw ng bagyo pahilagang-kanluran hanggang Biyernes bago tumahak pahilagang-silangan pagsapit ng Lunes, Setyembre 28.

Inaasahang lalabas ito sa PAR pagsapit ng Martes ng umaga, Setyembre 29.

Gayunman, hindi pa inaasahang direktang makaaapekto sa lagay ng panahon sa bansa ang Bagyong Queenie sa susunod na tatlong araw. (AC)