Sugatan ang isang babae na nagmamaneho ng sports utility vehicle (SUV) matapos tambangan ng mga armadong lalaking sakay ng motorsiklo sa Makati City.
Ayon sa report ni Chill Emprido ng Abante, nangyari ang insidente sa Chino Roces Avenue, Barangay Pio del Pilar bandang 7:00 ng umaga nitong Huwebes.
Mag-isa lamang ang biktima, na napag-alamang manager ng isang condominium, sa sasakyan.
Maaga umano itong umalis mula sa kanyang bahay dahil coding ang sasakyan nito ngayong araw.
Sunod-sunod naman umanong pinaputukan ng mga suspek ang SUV ng biktima, kung saan tinatayang nasa walong bala ang tumama sa bahagi ng driver.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente at inaalam ang motibo sa pananambang.
Nagsasagawa na rin ng manhunt operation ang Makati Police para tugisin ang mga suspek na nakatakas.
Kasalukuyan nang nasa ospital ang biktima matapos magtamo nang tama ng bala sa parehas na bahagi ng hita nito. (AM)


