Wala raw alam ang aktor na si Aga Muhlach sa kumakalat na tsikang hiwalay na umano ang anak niyang si Atasha kay Jacob Ang.
Nang hingan ni Abante Entertainment Editor Jun Lalin ng reaksiyon sa isyu, maikli lamang ang naging sagot ni Aga.
“Oh wala ako alam diyan haha I’ve been filming,” saad ng aktor.
Ayon kasi sa source ng Abante, hiwalay na sina Atasha at Jacob.
Gayunman, wala pa ring kumpirmasyon mula mismo kina Atasha at Jacob tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon.
Si Atasha ay anak nina Aga at Charlene Gonzalez habang anak naman ng business tycoon na si Ramon Ang si Jacob.
Nagsimulang ma-link sina Atasha at Jacob kalagitnaan ng taong 2025 dahil sa kanilang social media interactions.
Napansin ng mga eagle-eyed netizen na madalas i-like ni Jacob ang mga Instagram post ni Atasha.
Lalo pang naging maugong ang tsismis nang i-repost ni Jacob sa kanyang Instagram Story ang trailer ng TV5 series ni Atasha.
Umigting ang espekulasyon nang kumalat naman ang mga larawan kung saan kasama si Jacob sa dinner ng pamilya Muhlach.
Namataan din silang magkasama sa iba’t ibang okasyon tulad ng bakasyon ng pamilya Muhlach sa Japan at ang pagdalo ni Atasha sa kasal ng kapatid na babae ni Jacob nito lamang 2026.
Wala pa mang kumpirmasyon mula kina Atasha at Jacob na naging sila, napunta naman ngayon ang usapin sa umano’y hiwalayan nila. (IS)


