Nahirapang ma-access ng mga Pilipinong user ang online messaging platform na Discord matapos ipatupad ng mga telecommunications company ang pag-block sa pag-access nito.
Batay sa mga test at ulat ng users noong Miyerkoles ng gabi, Setyembre 23, hindi ma-access ang Discord sa mga network ng Globe, GOMO at TNT, habang may mga ulat din ng pagka-block sa DITO at ilang PLDT users.
Samantala, iniulat na naa-access pa rin ang platform sa ilang network gaya ng Smart at Converge.
Wala namang indikasyon na nagkaroon ng global outage ang Discord nang magsimula ang problema, kaya lumilitaw na localized sa ilang Philippine networks ang restriction.
May mga user ding nakapag-ulat ng “Forbidden Access” page na may mga logo ng NTC at Globe.
Nangyari ang restriction matapos bigyan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng 24 oras ang Discord at Reddit para magtakda ng local presence at makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa mga usapin ng online safety.
Sa isang clarification, sinabi ng CICC na Reddit lamang ang nabigyan ng extension sa 24-hour directive at hindi kabilang ang Discord.
Ayon sa ahensya, nakipagpulong ang Reddit sa CICC sa loob ng itinakdang panahon at naglatag ng mga commitment para palakasin ang online child safety.
Samantala, sumulat lamang umano ang Discord sa CICC upang ipahayag ang kahandaang talakayin ang mga kasalukuyang teen-safety measures nito.
Sinabi ng ahensya na wala pang extension na ipinagkaloob sa Discord habang hinihintay ang direktang pag-uusap at konkretong commitment sa mga requirement ng ahensya. (AM)


