WebClick Tracer

5 taon na termino ng barangay officials ‘kalokohan’ – Falcis

Naniniwala si political commentator Jesus Falcis na sapat na ang tatlo hanggang apat na taon na termino para sa mga barangay official, habang tinawag niyang “kalokohan” ang panukalang gawing limang taon ang kanilang termino.

Sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Falcis na dapat isaalang-alang kung makatuwiran ang limang taong termino para sa mga barangay official.

Para sa kanya, hindi problema ang maikling termino para sa isang mahusay na opisyal dahil maaari naman siyang muling mahalal ng mga residente.

“Ako kasi, when they say na 3 years or 4 years is too short for a good official and then there’s a flip side, it’s too long for a bad one, definitely same and worst, ‘di ba?” ani Falcis.

“And a good official will always get reelected, will always have their mandate refreshed. Kasi kung good ka nga, iboboto ka ulit ng mga tao,” dagdag pa niya.

Sinabi rin niya na kung walang vote-buying, inaasahang muling mahahalal ang isang mahusay na barangay official dahil sa suporta ng mga botante.

Bagama’t sinabi ni Falcis na pinapayagan ng Konstitusyon na baguhin ang haba ng termino ng mga barangay official, nagbabala siya na maaaring magkaroon pa ng panibagong panukala na pahabain ito kung magiging limang taon na ang termino.

“Sa akin, okay na ang 3 or 4. Kalokohan na ‘yung 5, para ka nang senador,” pagbibigay-diin pa ni Falcis.

Panoorin ang buong panayam kay Falcis sa September 23 episode ng programang “The Spokes”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook pages ng Bilyonaryo News Channel. (AM)