WebClick Tracer

4 miyembro ng robbery group, kabilang 1 sundalo, timbog sa Quezon

Apat na hinihinalang miyembro ng isang robbery group, kabilang ang isang AWOL na sundalo, ang naaresto sa isang hotel sa Catanauan, Quezon madaling-araw nitong Huwebes, Setyembre 24.

Ayon sa Catanauan Police Station, dakong alas-3:40 ng madaling araw nang matanggap nila ang sumbong mula sa isang concerned citizen hinggil sa kahina-hinalang grupo ng mga lalaki sa Zoe’s Hotel sa Barangay 08, at isa umano sa mga ito ang may dalang long firearm.

Agad na nagtungo sa hotel ang mga intelligence personnel ng Catanauan police at nakumpirmang may mga armadong lalaki nga sa lugar, dahilan para ilunsad ang operasyon kasama ang 3rd at 4th QPMFC, Mulanay MPS, Gen. Luna MPS at Provincial Intelligence Unit.

Kabilang sa mga naaresto sina Christian Magsumbol Delacion, 47, taga-San Juan, Batangas; Michael Angelo Alvaro Catindig, 40, taga-Taguig City; Corporal Michael Jude Villanueva Iglufas, 35, dating miyembro ng Philippine Army na nakatalaga sa 9th Infantry Division sa Pili, Camarines Sur; at Alberto D. Bautista, 40, taga-Carmona, Cavite.

Narekober sa grupo ang ilang armas at mga bala, kabilang ang M16 rifle, dalawang caliber .45 pistol, Colt Super .38 pistol, mga bala, at dalawang hand grenade.

Nang siyasatin din ang Nissan Terrano na sinasabing gamit ng grupo, nakita umano rito ang dalawang rifle grenade at dalawang live ammunition para sa M203.

Nabatid sa karagdagang imbestigasyon na ang nasabing sasakyan na may plakang NJF 7247 ay tumugma umano sa sasakyang sangkot sa robbery-hold-up sa isang DALI Store sa Barangay Cabezas, Trece Martires City, Cavite, dakong alas-6:45 ng umaga noong Setyembre 23, at sinasabing ginamit bilang getaway vehicle.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives. (Ronilo Dagos)