Arestado ang dalawang indibidwal, kabilang ang isang Chinese national, matapos masabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 80,800 hinihinalang pekeng sako ng bigas sa Bocaue, Bulacan.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinagawa ang operasyon noong Setyembre 21 matapos maglabas ng search warrant kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Umabot sa 101 bundle ng mga sako ng bigas na may iba’t ibang brand ang narekober sa isang warehouse sa Barangay Batia. Tinatayang nasa P800,000 ang halaga ng mga ito.
Arestado rin ang Chinese national na umano’y operator ng warehouse at isang Pilipina na empleyado nito.
Bukod sa usapin ng intellectual property rights, sinabi ng mga awtoridad na maaaring magkaroon din ng panganib sa kalusugan ng mga mamimili ang paggamit o muling paggamit ng mga sako na may lehitimong brand dahil maaaring hindi na matiyak ang kalidad at kaligtasan ng packaging.
Haharap ang dalawang naaresto sa kaukulang proseso dahil sa umano’y paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines kaugnay ng unfair competition at copyright o economic rights.
Ire-refer ang kaso sa National Prosecution Service para sa kaukulang aksyon. (AC)


