WebClick Tracer

Tiangco sa hatian ng House budget: Ako mismo na congressman, hindi ko alam

Kinuwestiyon ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang mababang paggamit ng pondo ng House of Representatives para sa supplies and materials at sinabing hindi rin niya alam kung paano ipinapamahagi ang naturang budget sa mga kongresista.

Inihayag niya ito sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel.

Ayon kay Tiangco, batay sa datos ng Commission on Audit (COA), nasa P939 milyon ang budget para sa supplies and materials noong 2024 ngunit P84.79 milyon lamang ang nagastos.

Ibig sabihin, nasa 9% lamang aniya ng inilaan na pondo ang nagamit, habang mahigit P855 milyon ang hindi nagastos.

Sa kabila nito, umabot sa P1.34 bilyon ang inilaan para sa parehong item noong 2025, ngunit P120 milyon lamang umano ang nagastos.

“Ang nagastos lang is P84,790,000. So, meron kang sobrang P855,000,000. Nasaan ‘yan?” saad ng mambabatas.

Kinuwestiyon din ni Tiangco kung bakit tumaas pa ang budget para sa supplies and materials noong 2025 gayong maliit lamang ang nagamit noong nakaraang taon.

Samantala, nang tanungin kung pantay-pantay bang ipinapamahagi sa mga kongresista ang naturang pondo, sinabi niyang wala siyang sapat na impormasyon tungkol dito.

“Hindi ko rin alam e. Wala. Paano ko masasagot yung mga tanong mo? Hindi ko alam. Ako mismo, congressman, hindi ko alam,” dagdag pa ni Tiangco.

Panoorin ang buong panayam kay Tiangco sa September 22 episode ng “On Point”.

Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook.