WebClick Tracer

Shrine of St. Padre Pio sa Batangas, idineklarang international shrine

Mula sa dating lokal na sentro ng debosyon sa Batangas, mas lalawak ngayon ang misyon ng Shrine of St. Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas matapos itong opisyal na ideklara bilang isang international shrine.

Dinaluhan ng libo-libong deboto at mga opisyal ng simbahan mula sa iba’t ibang lugar ang makasaysayang pagdiriwang ngayong Miyerkoles, September 23, kasabay ng Solemnity of St. Pius of Pietrelcina o Padre Pio.

Isinagawa ang solemn concelebrated Mass dakong alas-10 ng umaga na pinangunahan ni His Eminence Pablo Virgilio Cardinal David, Bishop of Kalookan at Vice President ng Federation of Asian Bishops’ Conferences.

Ayon kay Most Rev. Gilbert Garcera, Archbishop of Lipa at President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, naglabas ang Dicastery for Evangelization ng Vatican ng decree noong May 25, 2026 na nagtataas sa National Shrine of St. Padre Pio bilang International Shrine.

Ani Garcera, kinikilala sa pamamagitan ng elevation ang lumalawak na papel ng sanctuary bilang sentro ng pilgrimage, panalangin, reconciliation at evangelization, gayundin ang espirituwal na ugnayan nito sa mother sanctuary ni Padre Pio sa San Giovanni Rotondo, Italy.

Mula sa lokal na debosyon, lumago ang shrine bilang isang 17-hectare sanctuary na dinarayo ng mga mananampalataya, kabilang ang mga pilgrims mula sa ibang bansa gaya ng Thailand, Hong Kong at Malaysia.

Patuloy rin ang mga gawaing pastoral ng shrine para sa mga mahihirap, may sakit at iba pang nangangailangan ng espirituwal at pisikal na kalinga, kabilang ang buwanang healing Mass tuwing ika-23 ng bawat buwan.

Mula sa Santo Tomas, inaasahang mas marami pang pilgrims mula sa Pilipinas at ibang bansa ang dadayo sa shrine bilang bahagi ng kanilang pananampalataya at debosyon kay Padre Pio. (Ronilo Dagos)