WebClick Tracer

Senado inaprub 25 taong prangkisa ng Bohol Light

Senado sa Metro Manila habang nakataas ang heightened alert security para sa anibersaryo ng Martial Law.

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa nitong Miyerkoles, Setyembre 23 ang panukalang batas na magbibigay ng panibagong 25-year franchise sa Bohol Light Company Inc. para mag-operate ng electricity distribution system sa Tagbilaran City.

Umakyat din sa ikalawang pagbasa sa Senado ang hiwalay na panukalang batas na naglalayong amyendahan ang prangkisa ng More Electric and Power Corp. (MORE Power), na nagsusuplay ng kuryente sa Iloilo City.

Parehong nasa ilalim ng Primelectric Holdings Inc.

Ang pagpapalawak nito sa Visayas ay nakatulong para mapabuti ang serbisyo ng mga kompanyang nagsusuplay ng kuryente matapos mamuhunan sa pagpapaganda ng mga linya at pasilidad, pagiging maaasahan ng sistema at mas mahusay na operasyon.

Makikita ito lalo na sa Iloilo City, kung saan nag-operate ang MORE Power mula noong 2020, at sa Bacolod, kung saan nagsimula namang mag-operate ang Negros Power noong Agosto 2024.

Sa ilalim ng panukala, pinapayagan ang Bohol Light na magtayo, mag-install, magpatakbo, magmay-ari, mamahala at magpanatili ng sistema para sa paghahatid ng kuryente sa mga consumer sa Tagbilaran City.

Inaatasan din ang kompanya na tiyakin ang tuloy-tuloy at walang abalang suplay ng kuryente sa kanilang nasasakupan, alinsunod sa mga batas at regulasyon at sa pangangasiwa ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Nauna nang inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlong pagbasa ang Bohol Light franchise bill o House Bill No. 4746 noong Oktubre 13, 2025. Ipinadala naman ito sa Senado kinabukasan.

Samantala, layunin ng panukala para sa MORE Power na baguhin ang Sections 1, 16 at 21 ng Republic Act No. 11212, na inamyendahan ng Republic Act No. 11918, na nagbibigay sa kompanya ng prangkisa para magpatakbo ng electricity distribution system sa Iloilo City.

Naaprubahan na ng Kamara ang panukala sa ikalawang pagbasa noong Pebrero 23 at sa ikatlong pagbasa noong Marso 3 bago ito ipinadala sa Senado.