Isang panukalang batas ang inakda ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas para bigyan ng dagdag na ngipin ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa mga abusadong digital lender at debt collector.
“Madalas, kapit sa patalim na ang mga umuutang sa mga digital lenders. Layunin natin silang protektahan mula sa lalong kagipitan dala ng mga mapanakot, abusado, at iligal na paraan ng paniningil,” ani Vargas sa kanyang House Bill (HB) 9783 o “Fair Debt Collection and Digital Lending Consumer Protection Act”.
Ayon sa mambabatas, libu-libo na umano ang mga reklamong nakahain sa SEC at National Privacy Commission (NPC) ukol sa harassment, death threat at pamamahiya ng mga collector ng mga digital loan platforms sa mga nangutang sa kanila na hindi agad nakakabayad.
Dahil dito sinabi ni Vargas na dapat nang bigyan ng dagdag ng ngipin ang SEC para protektahan ang mga biktima ng mga digital lenders ang mga tauhan ng mga ito na nangongolekta ng utang sa pamamagitan gn marahas ng paraan.
“Sa pamamagitan ng panukalang ito, binibigyan natin ang SEC ng dagdag na awtoridad para linisin ang digital lending sector, ipasara ang mga iligal na OLA, at panagutin sa batas ang mga nangha-harass,” ani Vargas.
Kapag naipasa ang panukalang ito, puwede nang patawan ng SEC ng hanggang P5 milyong multa, suspendihin o kaya bawiin ang certificate of authority at iblacklist ang mga corporate officers ng mga digital lenders na umaabuso.
Layon din ng panukala na magtatag ng Verified Collection Identity System (VCIS) kung saan irerehistro ng mga lending companies at maging ang third-party collection agencies ang kanilang mga collectors dahil sa ngayon ay walang pagkakakilanlan sa mga abusadong debt collectors.
“While we support financial inclusion, we will never tolerate harassment of any kind. Hindi pwedeng kapalit ng pag-utang sa oras ng pangangailangan ang kawalan ng dignidad at seguridad ng ating mga mamamayan,” paliwanag pa ng mambabatas. (Bernard Taguinod)


