Hindi lamang sa dalampasigan kundi maging sa ilalim ng karagatan isinagawa ang paglilinis bilang bahagi ng kampanya para mapangalagaan ang yamang-dagat sa Batangas.
Isinagawa ang Scubasurero Activity sa Barangay Bagong Tubig, San Luis, Batangas na pinangunahan ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PGENRO), katuwang ang Pamahalaang Bayan ng San Luis.
Nilahukan ito ng mga divers mula sa iba’t ibang samahan sa Batangas na nagsagawa ng underwater cleanup upang alisin ang mga basurang naipon sa ilalim ng katubigan.
Bahagi ang aktibidad ng International Coastal Cleanup 2026, na naglalayong palawakin ang pagkilos para sa kalinisan at pangangalaga ng karagatan.
Sa pamamagitan ng Scubasurero binibigyang-pansin ang mga basurang hindi nakikita sa dalampasigan ngunit maaaring magdulot ng panganib sa mga yamang-dagat at iba pang organismo sa ilalim ng tubig.
Ipinakita rin ng aktibidad na ang pangangalaga sa karagatan ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na pakikilahok ng pamahalaan, mga organisasyon at komunidad, hindi lamang tuwing may isinasagawang coastal cleanup. (Ronilo Dagos)


