WebClick Tracer

Rep. Fuentebella: Pax Silica hindi kukuha ng kuryente sa Luzon Grid

Pinakalma ng Department of Energy (DOE), sa pamamagitan ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella, ang pangamba ng publiko na magdudulot ng energy crisis ang Pax Silica initiatives dahil sa laki ng kuryenteng kailangan nito.

Sa interpelasyon ni Kabataan party-list Rep. Renee Co sa budget ng DOE sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P5.58 bilyon na inisponsor ni Fuentebella, sinabi nito na mangangailangan ito ng tatlong gigawatts o 3,000 megawatt kada araw.

Dahil dito, tinanong ni Co kung magmumula ang supply ng kuryente na ito sa Luzon Grid.

“Regarding Pax Silica dapat self-generated ang power nila. So hindi siya dadaan sa Luzon (Grid),” ani Fuentebella.

“Ang requirement nila (DOE) kapag magtayo sila dito, they have to generate their own power, Mr. Speaker,” dagdag pa ni Fuentebella.

Nilinaw din ng DOE na wala pang aktuwal na impormasyon kung gaano kalaki ang kuryente ang kailangang ng Pax Silica subalit sinabi ni Co na mismong ang BCDA o Bases Conversion Development Authority na nagsabi na 3 gigawatts ang kailangang supply ng Pax Silica.

Gayunpaman, sinabi ni Fuentebella na ang polisiya ng DOE ay kailangang magkaroon ng generation ang Pax Silica para matugunan ang pangangailangan ng mga ito sa kuryente at hindi na aniya ito dadaan sa Luzon grid kaya hindi maaapektuhan ang supply ng mga consumer sa labas ng hub. (Bernard Taguinod)