Hindi aprubado ngunit hindi rin tinanggihan ang aplikasyon ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque para sa asylum, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkoles.
“Hindi approved, hindi disapproved. Kaya, kumbaga, nasa purgatory siya ng asylum ngayon,” ani Remulla sa panayam sa media.
Aniya, karaniwang anim na buwan lamang ang proseso ng asylum application, ngunit siyam na buwan hanggang isang taon na umanong naghihintay si Roque ng desisyon.
Samantala, sinabi rin ni Remulla na kumokonsulta na sila sa mga international lawyer kung maaari nang saklawin ng Interpol red notice si Roque sakaling makuha nila ang naturang notice.
“Wala pang batas na nagsasaklaw ukol sa kanyang asylum so nagco-consult na kami sa international lawyers kung maco-cover na siya ng red notice ’pag makuha na namin tungkol sa kanya,” dagdag niya.
Ayon kay Remulla, naisumite na nila ang lahat ng requirement at hinihintay na lamang ang Interpol para sa pag-iisyu ng red notice laban kay Roque. (AC)


